9.08.2012

Sandata

No uniform day kami sa opisina tuwing sabado. Ibig sabihin pag darating and araw na ito, kanya kanyang diskarte sa pagsuot ng kanya-kanyang paboritong damit. Sa kaso ko na sawang sawa na sa pagsuot nang de-kuwelyong damit limang beses sa isang linggo, masayang masaya na 'pag nasuot ang paboritong t-shirt na may logo ng ika-apat na studio album ng Wolfgang noong 1999: ang Serve in Silence. Trip na trip ko ang design nito dahil simple lang ang in-your-face na mensaheng napakadaling maintindihan ng mga beterano sa pakikinig ng mga tunay na kanta---mga awiting napakalayo mula sa estilo ng kagimbal-gimbal, kaawa-awa at lalambot-lambot na Hipster Generation ngayon.

Suot-suot ko ang mga paboritong t-shirt na ganito ang tema tuwing sabado na may pagpupugay sa lumipas na henerasyon ng punk, metal at alternative music ng dekada '90. Sa dekadang ito kasi ako nabibilang at ipinagmamalaki ko ito hanggang ngayon. Hindi ko lang ito basta sinasabi dahil lang sa trip ko, ito din ay isang deklarasyon at testimonya. Hindi din naman natin nilalahat na wala nang pakinabang at katuturan ang mga awiting naimbento ngayon. Ang sigurado ako, mas orihinal at katangi-tangi ang dekada'90 kumpara sa panahon ngayon na puro gasgas at revival.

Kaya nung nalaman ko na may bagong labas na album ang Wolfgang; ang kanilang ika-pitong concept album na kung saan lahat ng kanta ay isinulat sa wikang Filipino, natuwa ako. Salamat sa Diyos!--sabi ko sa sarili ko. Meron na namang dahilan para mabasag ang mga tenga ko...sa pamamaraang  matagal ko nang alam at sa pamamaraang matagal ko nang gusto. 


No comments:

Post a Comment

Please share your comments here!