Sadyang napakahusay ang pagkakatimpla ng librong ito ni Edgar Calabia Samar. Sigurado akong sa di kalaunan ay magiging sanggunian ito ng mga baguhan at mga magbabalik-tanaw sa mitolohiyang Pilipino. Mula sa mga lamanlupa na katulad ng Tiyanak, hanggang sa mga aswang, halimaw, bayani, anito, diwata at hanggang sa mga bathala na katulad ni Talagbusaw at Mandarangen, nakakatuwa na makilala sila at malaman ng mambabasa ang karagdagang kaalaman tungkol sa "pangontra" sa mga masasamang nilalang, at sa kabilang dako ang kahalagahan naman ng paniniwala sa mga mabuting nilalang. Palaging mayroong aral na mapupulot sa bawat kuwento ng pagsupil sa kasamaan at kahit kalaban man o kakampi, lahat sila ay kagila-gilalas.
Kahit na kabataang mambabasa ang pinupuntirya nito, tingin ko ay masisiyahan din kahit mga matatandang mambabasa dahil tiyak na maaalala nila ang mga kuwento ng kanilang Lolo at Lola noon. Ako mismo ay nakaalala ng kuwento ng Tatay ko mula sa mga pahina nito. Kahit na siniksik sa isandaan at isa ang bilang ng mga nilalang sa dami ng aklat na pinagsanggunian, nakakatuwang isipin na mas madami pa dito ang aktuwal na bilang nila. Nagkatalo lang sa kanya-kanyang salin(bersyon), bigkas, at baybayin depende sa pinagmulang tribo ng paniniwala.
Sa henerasyong nahumaling at nalasing sa maka-kanlurang mito ni Harry Potter, mas matimbang pa din ito na maisali sa aklatan ng mga kabataan sapagkat hindi basta basta ang pananaliksik na ginawa ng may akda pati na din ang husay ng pagkakaguhit ng mga dibuhista. Kahit papaano ay binuhay nila ang nakalimutang bahagi ng kulturang Pilipino. Saludo ako sa mga ganitong klase ng proyektong pambata.
Genre: Philippine Mythology, Young Adult
Rating: Apat na kwintas na bawang na nakasabit sa bintana
No comments:
Post a Comment
Please share your comments here!